Make your own free website on Tripod.com

PHLRC DRIVING SAFETY CAMPAIGN 


BABALA: ISUOT ANG HELMET BAGO MAGMANEHO 

AT ‘WAG IANGKAS ANG BATA SA MOTORSIKLO!

 


Magandang araw po sa inyo, mga kababayan na katulad naming nagmamaneho ng motorsiklo.

Alam namin na araw-araw n’yong napapanood sa telebisyon, nababasa sa mga pahayagan at napapakinggan sa mga himpilang radyo ang mga aksidente sa mga lansangan na kinasasangkutan ng mga motorsiklo. Karamihan sa mga aksidenteng ito ay nasawi ang rider gayundin ang back rider. 

Napakasaklap po na sa kabila ng maraming paalala mula sa ilang ahensya ng ating pamahalaan hinggil sa mas ligtas na pagmamaneho nguni’t tila hindi ito pinapansin ng ilan nating kababayang nagmomotor, kaya ang nangyari... marami ang naaksidente. 

Alam natin na ang aksidente ay hindi talaga maiwasan pero may mga paraan naman na maaari pa rin itong maagapan.  Paano? 


1. Bago bumiyahe, malayo man o malapit ang pupuntahan ugaliing isuot ang helmet. Sa oras na magkaroon man ng aksidente gaya ng sumemplang... mailigtas mo ang iyong ulo sakaling ikaw ay mabagok. Tiyakin lamang na de kalidad ang isusuot na helmet para matiyak na ikaw ay ligtas sa anumang kapahamakan.


2. Kapag nagmamaneho ng motorsiklo, iwasang gumamit ng cellphone dahil ito’y isa sa mga magiging dahilan ng iyong pagkaaksidente. Ang isang segundo ng ‘di pag-alerto sa pagmamaneho ay maaaring kapalit ng buhay mo. 


3. Huwag na huwag nang magmamaneho ng motorsiklo kapag nakainom ng alak. Ito ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit marami ang naaksidente sa mga lansangan. Marami nang rider at back rider ang namatay sa aksidente sa motorsiklo dahil sa impluwensya ng alak. Kapag nakainom po kasi ang rider, mabilis na siyang magpatakbo kaya’t nawawalan siya ng kontrol sa pagmamaneho na nagiging dahilan ng aksidente. 


4. ‘Wag ding magmaneho kung ikaw ay pagod o puyat. 


5. Iwasang magmaneho ng mabilis o kaskasero lalo na sa mga mataong lugar, dahil kapag ikaw ay nakabangga... nakaabala ka pa sa buhay ng iba. Ingatan ang sariling buhay, gayundin ang buhay ng iba. 


6. Ugaliing naka-switch on ang headlight ng iyong motor habang nagmamaneho. Ito ay para makita ka ng mga driver ng malalaking sasakyan. Ang motorsiklo ay parang kasing laki lang ng langgam sa kanilang side mirror at halos ‘di ka nila makita. Kapag naka-switch on ang iyong headlight malaki ang posibilidad na ikaw ay kitang-kita sa kanilang mga side mirror. 


7. Bago bumiyahe, tiyakin kung aktibo pa ang busina ng inyong motorsiklo. Layunin nito na sakali mang may biglang tumawid sa daan na iyong binabagtas ay kaagad kang makapagbigay sa kanila ng babala sa pamamagitan ng busina. Malaki rin ang tulong nito para sa ibang sasakyan na nasa iyong unahan.


8. Ugaliin ding tumingin sa side mirror para matantiya ang layo ng sasakyan sa iyong likuran. Tumingin din muna sa side mirror kung nais mong tumawid sa kabilang linya ng kalsada. 


9. Kapag pinapatakbo mo ang iyong motorsiklo, sundin ang dalawang segundong layo mula sa ibang sasakyan. Kailangang kontrolado mo ang iyong manibela gayundin ang brake ng iyong motorsiklo sakali mang biglang huminto o lumiko ang sasakyan na iyong sinusundan. 


10. Dapat ding iwasan ang mga sirang daan o lubak-lubak na daan dahil maaari kang mawalan ng kontrol sa iyong manibela na magreresulta sa iyong pagkaaksidente. 


11. Bago bumiyahe, suriing maige ang inyong motorsiklo. Tiyakin kung gumagana pa ang headlight, signal lights, brake light at busina para matiyak mong ikaw ay makakaiwas sa anumang aksidente. 


12. Ugaliing ipasuri ang iyong motorsiklo sa magaling na mekaniko.


13. Para maiwasan ang iba pang aksidente, sumunod po tayo sa batas-trapiko. 


14. Higit sa lahat, ‘wag iangkas ang bata sa motorsiklo. Kapag may masamang mangyari sa kanya, parang ikaw na rin ang pumatay sa kanya. Habambuhay mong dala-dala ang iyong konsensya. 


Ang paalalang ito ay mula sa 

Pinoy Hot Line Riders Club (PHLRC) 

Paalala: Ang Pinoy Hot Line Riders Club o PHLRC ay araw-araw mababasa sa diaryong BAGONG TORO sa pahina 10.